Tagalog Insights


Balarilang Tagalog


Nandito ang mga karagdagang impormasyon upang mapabuti pa ang iyong transkripsiyon. Pananatilihin namin na updated ang mga nilalaman ng page na ito palagi.


Wastong paggamit ng gitling

  • Sa pag-uulit ng salita o kung mahigit dalawang pantig ang salita at kung may unlapi, isinasama ito sa unang bahaging inuulit.

Mga halimbawa:

  • araw-araw
  • ano-ano
  • isa-isa
  • pulang-pula
  • balu-baluktot
  • dala-dalawa
  • pabalik-balik
  • pagbali-baligtarin
  • pabula-bulagsak
  • dose-dosena
  • Tandaan na hindi ginagamit ang gitling sa mga salitang may mga pantig na inuulit ngunit walang kahulugan kapag hindi inulit.

Mga halimbawa:

  • paruparo, at hindi paro-paro (dahil walang salitang “paro”)
  • alaala, at hindi ala-ala (dahil walang salitang “ala”)
  • gamugamo, at hindi gamo-gamo (dahil walang salitang “gamo”)
  • Upang paghiwalayin ang pantig na nagtatapos sa katinig at ang sumusunod na pantig na nagsisimula sa patinig.

Mga halimbawa:

  • mag-isa
  • nag-ulat
  • pang-umento
  • tsap-istik (kahit isang salita ang orihinal na “chopstick”)
  • brawn-awt (kahit isang salita ang orihinal na “brownout”)
  • Kapag sinusundan ito ng pangngalang pantangi kahit nagtatapos sa patinig ang unang pantig at kapag sinusundan ito ng salitang banyaga at nasa orihinal na baybay.

Mga halimbawa:

  • pa-Makati
  • taga-Davao
  • maka-Diyos
  • pa-cute
  • ipa-cremate
  • maki-computer
  • Ginagamit ito sa onomatopeikong pagsulat sa mga iisahing pantig ng tunog.

Mga halimbawa:

  • tik-tak
  • ding-dong
  • plip-plap
  • tsk-tsk
  • rat-ta-tat
  • Ginagamit ito sa salitang may unlaping “de-” mula sa Espanyol na “de” na nangangahulugang “sa pamamagitan ng” o “ginawa o ginagamit sa paraang” at salitang pinangungunahan ng “di-” (pinaikling hindi) na nagkakaroon ng kahulugang idyomatiko, tila kasabihan.

Mga halimbawa:

  • de-kolor
  • de-lata
  • de-kahon
  • di-mahipo
  • di-mahapayang-gatang
  • di-makabasag-pinggan
  • Ginagamit ito sa mga bagong tambalang salita o kapag may katagang nawawala sa pagitan ng dalawang pinagsamang salita

Mga halimbawa:

  • lipat-bahay
  • bigyang-diin
  • amoy-pawis
  • kulay-rosas
  • hugis-puso
  • pamatay-insekto (pamatay ng insekto)
  • humigit-kumulang (humigit at kumulang)
  • lakad-takbo (lakad at takbo)
  • bahay-aliwan (bahay na aliwan)
  • dalagang-bukid (dalagang tagabukid)
  • nagbibigay-ligaya (nagbibigay ng ligaya)
  • Upang ihiwalay ang numero sa oras at petsang may “ika-” gayundin sa pagbilang ng oras, numero man o binabaybay, na ikinakabit sa “alas-”.

Mga halimbawa:

  • ika-10 ng gabi
  • ika-23 ng Abril
  • ika-18 na rebisyon
  • alas-dose ng tanghali
  • alas-dos ng hapon

Kapag isinulat nang patitik ang mga yunit ng fraksyon.


Mga halimbawa:

  • isang-kapat (1/4)
  • lima’t dalawang-kalima (5 2/5)
  • tatlong-kanim (3/6)
  • Kapag pinagkakabit o pinagsasama ang apelyido ng babae at ng kanyang asawa.

Mga halimbawa:

  • Gloria Macapagal-Arroyo
  • Anastacia Giron-Tupas
  • Gilda Cordero-Fernando
  • Kapag nagdudugtong ng mga filler sa kanta

Mga halimbawa:

  • Oh-oh
  • Yeah-yeah
  • Uh-huh

Wastong paggamit ng “nang”

  • Ipinanghahalili sa “noong”.

Mga halimbawa:

  • Nang isilang ka sa mundong ito
  • Nang sinabi niya iyon
  • Nag-iba ang aking mundo nang makilala kita
  • Ipinanghahalili sa “para” o “upang”.

Mga halimbawa:

  • Tumayo ka nang makita mo
  • Sumigaw siya nang marinig ko
  • Tulungan mo ako nang matapos agad
  • Sumasagot ito sa tanong na “paano”, “gaano”, o “kailan”, o sa pagsasaad ng paraan o kilos ng galaw.

Mga halimbawa:

  • Naglakad ka nang dahan-dahan
  • Naghanda siya nang dalawang buwan
  • Nagkita kami nang alas-dos
  • Nag-aral nang tahimik
  • Umalis ka nang umaga
  • Ipinang-aangkop sa pandiwang inuulit.

Mga halimbawa:

  • Sayaw siya nang sayaw
  • Takbo nang takbo
  • Barilin man nang barilin
  • Katumbas ito ng pinagsamang “na” at “na”.

Mga halimbawa:

  • Sobra nang (na na) hirap ang dinanas niya
  • Napahamak nang (na na) tuluyan
  • Umaga nang (na na) dumating

Paalala: Ingatan ang pinagdikit na “na” at “ang” dahil malimit mapagkamalang “nang” ang kontraksiyon ng “na” at ng “ang”. Kailangan itong isulat nang may kudlit ( ‘ ).


Mga halimbawa:

  • Labis na’ng pagkalungkot
  • Sobra na’ng kakulitan
  • Malapit na’ng Pasko
  • Laganap na’ng ipinagbabawal na gamot

Wastong paggamit ng “ng”

  • Sumasagot ito sa tanong na “ano”.

Mga halimbawa:

  • Uminom ng tubig
  • Binigyan ng pangaral
  • Nagsuot ng sapatos
  • Ipinantutukoy ng pangngalan, pang-uri, o pamilang.

Mga halimbawa:

  • Sa baranggay ng Sto. Domingo
  • Bumili ng mamahaling TV
  • Nagsama siya ng limang kaibigan
  • Ipinangpapahiwatig ng pagmamay-ari.

Mga halimbawa:

  • Bulsa ng pantalon
  • Ang paaralan ng mga mag-aaral
  • Karapatan ng mamamayan

Huwag pagdikitin ang mga salitang hindi dapat pagdikitin

  • Paghiwalayin ang ilang mga salitang kapag pinagsama ay hindi tunay na salita o iba ang kahulugan.

Mga halimbawa:

  • Hindi pa rin ako makapaniwala (hindi “parin”)
  • Ngayon ka pa lang aalis? (hindi “palang”)
  • Sa susunod na lang (hindi “nalang”)
  • Heto na naman tayo (hindi “nanaman”)
  • Ano ‘ka mo? (mula sa pariralang “wika mo”/“ika mo”, hindi “kamo”, katulad ng “kako”)
  • Sa bagay, wala kang iniisip kundi sarili mo (hindi “sabagay”)

Wastong paggamit ng kudlit ( ‘ )

  • Ginagamit ang kudlit sa mga kontraksiyon, at pagpapaikli ng mga salita sa pamamagitan ng pagbabawas ng isang pantig.

Mga halimbawa:

  • Naro’n na sila (hindi “naron”, pagpapaikli ito ng “naroon”)
  • Mayro’n akong kuwento (hindi “mayron”, pagpapaikli ito ng “mayroon”)
  • Sino’ng nagsasabi na ako’y masaya? (hindi “sinong”, kontraksiyon ito ng “sino” at “ang”)
  • Simula pa no’ng bata pa ako (hindi “nong” o “nung”)
  • Matagal ko nang inilihim ‘to (hindi “to”)
  • ‘Pag automatic na ang luha (hindi “pag”)
  • Ano’ng akala mo? (hindi “anong”, kontraksiyon ito ng “ano” at “ang”)
  • ‘Tsaka na ako magbabayad sa ‘yo (hindi tsaka, kontraksiyon ito ng “at saka”)
  • Ikaw ay para sa ‘kin (hindi “sakin”)
  • Sa ‘yo lamang ang puso ko (hindi “sayo”)

Paalala: Sa huling dalawang halimbawa sa itaas, natural na pinaghihiwalay ang salitang “sa” at mga panghalip na paari na nagsisimula sa patinig: “iyo”, “akin”, “amin”, at “atin”.

  • Sa salitang “anong” bago ang mga pang-uri, hindi na kailangan ng kudlit dito, katulad ito ng paggamit sa salitang “kay” sa “kay sarap”, “kay saya”.

Mga halimbawa:

  • anong sarap
  • anong saya
  • anong tuwa
  • Gayunpaman, ibang kaso ang “mapasa”/”napasa”, ang mga ito ay panlapi kung kaya’t ayos lang na pagdikitin ito at ang panghalip na paari na nabanggit.

Mga halimbawa:

  • mapasaiyo
  • mapasaakin
  • mapasa’yo
  • mapasa’kin
Did this answer your question? Thanks for the feedback There was a problem submitting your feedback. Please try again later.